Mainit sa Pilipinas, kahit pa sabihing kung minsan ay may panaka-nakang ulan at may sumpong ang hangin na lumakas paminsan-minsan, MAINIT SA PILIPINAS. 
Sa ganitong temperatura ng kapaligiran wala nang sasarap pa sa paa kung hindi ang suotan sya ng tsinelas.
Tsinelas, sinelas, chinelas, sipit, beachwalk, islander, havaianas, ipanema, fit flops o liliw original sa ano mang katawagan ito ang sapin sa paang angkop sa ating mga taga-Pilipinas. Mahal man o mumurahin, uso o panahon pa ni Mahoma, kung sino man sya, wala sanang pakialamanan kung kaginhawahan ng paa ng may paa ang pag-uusapan.
May disenyo ng tsinelas para sa lahat ng kasuotan - pormal, kaswal o ano mang uri ng okasyon, pwedeng maka-hanap, o makapag-pasadya ng tsinelas na babagay.Pwedeng yari sa abaca, banig, rubber, leather, plastic o tela. Pwedeng lagyan ng borloloy, bulaklak, beads, kahit pa mga mamahaling bato at pwede ring glow-in-the-dark. Walang dahilan para hindi maka-angkop ang tsinelas.
Kelan nga lang ba nagkaroon ng sagka sa kalayaan nating magsuot ng tsinelas kung saan at kailan natin naisin? Nang dumating ang mga Kastila? Ang mga Hapon? Ang mga Amerikano? Nang magsimula tayong magpa-dikta sa mga lahing pinaniwala tayong mas angat at may higit na kaalaman sa buhay-buhay kaysa sa atin? Nang isinuko natin ang ating kakanyahan sa mga dayuhang nag-giit na sila ang awtoridad sa usapin ng urbanidad, dignidad at lahat ng bagay na katanggap-tanggap sa isang kumunidad?
GUSTO KONG MAG-TSINELAS pag mainit, pag naulan, pag maglalakad ako ng mahaba o titindig ng matagal, pag uupo ng matagal sa byahe lalo na kung masikip sa sasakyan, pag magda-drive, pag may parada, pag makikipag-libing at sa lahat ng okasyong ayokong mangalay ang aking mga paa.
GUSTO KONG MAG-TSINELAS sa bahay, sa bahay ng iba, sa restaurant, sa airport, sa five-star hotel, sa school, sa office, sa beach, sa party, sa simbahan, sa mall at kahit saang lugar na aking pupuntahan na hindi naman makamamatay ang pagsuot ng tsinelas.
GUSTO KONG MAG-TSINELAS, kahit saan at kahit kailan ko gusto! Hangga't ang aking mga paa ay malinis na nakatapak sa aking mga komportableng tsinelas at mga kuko sa paa, itsurang luya man, ay kaiga-igaya sa paningin ko at sa paningin ng iba, aba ay wala sanang maging hadlang sa simpleng kalayaang makapamili ng sapin sa paang makapagbibigay sa mga ito ng kaaliwalasan.
Ang aking mga paa ay bahagi ng buong ako. Ano mang sapin ang ilagay ko rito ay ekspresyon ng aking kakanyahan, nararamdaman at simpleng kalayaan bilang taong may sariling desisyon.
GUSTO KONG MAG-TSINELAS!
No comments:
Post a Comment